Sunday, July 25, 2010

Ang Pahahabi ng Wakas


Sa iyong pag-ilanlang di ako tatangis
Sa halip aking hahalikan ang sagradong
Lupang ating sinayawan
Bibilangin ko kung ilang bituwin
Ang ating sinulatan ng pangarap
Sabay kakainin at magningning

'Sang palad kong yayakapin
Ang iyong halakhak
At papakinggan ang bulong ng dinding
Upang marinig ang iyong tinig
Nais kong yakapin ng titig
Ang iyong mukha
Sa ating paghihiwalay

Walang salita ng pamamaalam,
Ng galit, hinagpis at duda
Hahayaan kong sakluban tayo ng langit
Upang sa kahit minsa'y tayo'y mapag-isa
Gusto kong maramdaman
Na sa aking pagkabuhay ay naisulat sa mga tala
Na tayo'y nailaang magdampi ang mga palad

Daraan na lamang ako sa lunan ng
Ating sinilangan upang masaksihang
Nandoon ka at naghihintay


...sa muling pagtatalik ng kalawakan.

Friday, July 16, 2010

''Gutom'


Tagas ng masidhing kalungkutan
Nasok sa pagkatao ninuman,
Tanging kawalan ng kanyang dulot
Hirap na sa bait humahablot

Pasakit ba ng 'sang minamahal?
O dulot marahil ng Maykapal?
Tulirang kaisipan, 'di alam.
Nangangamanhid mga pandamdam.

Katawa'y sadyang nanlalambot.
Laman ay namimitig sa poot,
Sikmurang walang lama'y mahapdi,
Dahil sa pag-ibig ay di saksi.

Mula sa magulo na damdamin,
Mahinang bumulalas sa hangin:
"Nilalang! Sa kamunduhan'y sakim.
Karanasa'y nakakarimarim."

Iba'y di pansin ang pagdurusa,
Isinaisang tabi sa diwa.
Masakit mang tanggapi't isipin,
Hinagpis ay hindi nais dinggin.

Datapwat ninais ilabas,
Bahala na kung ano ang labas.
Sa ngayon,lakas ay nililikom,
Upang sabihin na ako'y gutom.